DWCSJ News - Mon, Feb 06, 2023
Nagsama-sama ang pamilya ng mga mag-aaral ng Senior High School upang ipagdiwang ang 2023 SHS Family Day na may temang "Pamilya Divinista, Kaagapay sa Pagbibigay Karangalan, Pag-asa, at Sigla sa Paaralan at Bayan", sa Fr. McSherry Gymnasium, Enero 29.
Sinimulan ni Fr. Thaddeus J. Teano, SVD ang pagdiriwang sa pangunguna ng banal na misa at nag-umpisa naman ang programa nang ika-10 ng umaga.
Sa inihatid na pambungad na pananalita ng Basic Education Principal na si Dr. Jason S. Valera, kaniyang inihayag na ang turo ng mga guro ay hindi papantay sa turo ng mga magulang. Kinilala din niya ang pagpupunyagi ng mga magulang bilang mga guro sa kanilang tahanan sa nakalipas na dalawang taon.
Pinamunuan ng mga opisyal ng Student Coordinating Council (SCC) ang sabayang pagsayaw ng lahat ng nagdiriwang. Naghatid naman ng mensahe sa mga mag-aaral ang SHS 2018 alumni na sina Dann Ysrael Crobalde, Geologist at Engr. Michael Valles. Pagkatapos ng pagtatanghal ng mga guro at ng SCC ay nagbigay ng mensahe para sa mga anak ang pangulo ng SHS Parents Officers na si Dr. Arnulfo Villanueva, at nagbigay naman ng mensahe para sa mga magulang ang kaniyang anak na si Michelle Joy Villanueva. Naghatid rin ng intermisyon ang mga guro at magulang sa pamamagitan ng isang sayaw, at nagpakitang-gilas ang bawat baitang sa kanilang field demo.
Iba't ibang premyo ang pinamigay sa raffle draw at namigay din ng mga special award sa ilan sa mga dumalo. Nagtapos ang programa sa paghatid ni Bb. Imelda Rodriguez, SHS Coordinator, ng pangwakas na pananalita.
Balita ni: Michelle Joy S. Villanueva
Copyright © 2019 Divine Word College of San Jose. All Rights Reserved.
Developed by webmaster